Martes, Setyembre 27, 2022

Liham para kay Miguel

NAIINIS AKO DAHIL inubusan mo kami ng alcapone at oreology ni Ate at Ditse. Matagal na akong hindi nakakatikim ng donut kaya todo buhos ako agad ng emosyon. Hindi ko alam na pinagalitan ka na pala ni Ate, kaya pasensya na kung pumangalawa pa ako matapos kong hanapin ang mga nawawalang dessert sa ref. Sa totoo lang, hindi talaga ako galit sa ‘yo. Talagang gutom at pagod ako noong oras na ‘yon.

Bilang pangalawang padre de pamilya, nakatatak na sa akin na kailangan ko kayong ipagtanggol. Kaya hangga’t kaya ng iskedyul ko, pilit kong sinisingit ang walang-katapusang pagpasa ng mga dokumento sa bago mong iskul. Ginagawa ko ito hindi lang dahil utos sa akin ni Mommy. Ginagawa ko ito para mapatunayan kung pinapahalagahan mo ba ang aking pagtitiyagang paghihintay, paglakad-lakad sa initan, at pabalik-pabalik sa mahabang rutang papunta at pauwi. Gusto ko sanang marinig sa ’yo ang pasasalamat. Nalulungkot ako dahil bigla kang lumamig. Dati, okay naman tayo. 

Noong umuwi si Mommy mula AU, todo harutan tayong dalawa. Kesehodang magmukha tayong tanga o ewan sa harapan ng iba. Alam ko naman na parte ng developmental phase ‘yung pagiging makulit, kaya hinahayaan lang kita. Wala namang kaso sa ‘kin ito dahil mukha namang nage-enjoy ka. Lalo na’t umuwi ang tagapagtanggol mo noong sinasaktan ka ni Tatay. Speaking of nasasaktan, naalala ko ulit ‘yung binulong mo sa akin nung nasa Pangasinan tayo. Naghahanda ang lahat ng hapunan nang lumapit ka at binulong mo sa akin ‘yung sinabi sa iyo ni Lola Betty kung gaano ka kakiri at kaharot kung magsalita at gumalaw.  Nasaktan ka dahil feel mo dine-degrade ng lola ang pagkatao mo. Ang kung sino ka. Sana isaalang-alang mo na she’s a product of her own time. Hindi na niya maiintindihan ang mga ganitong bagay. Pero nagustuhan ko ‘yung perseverance mo dahil hindi mo hahayaan ang ibang tao na lait-laitin ka. At hindi exempted ang ka-dugo. Kaya sige, pagbibigyan kita kung bakit paliham kang umaalis tuwing malapit na sa ‘yong radar si lola.

Kung tutuusin, simple lang naman ang dapat mong gawin sa loob ng bahay. Linisin ‘yung kwarto mo. Magsaing tuwing kapos na ang kanin. Maghugas ng pinggan. Kaya lang kami naiinis ni ditse ay dahil nakakalimutan mo silang lahat. Wala na kaming oras para tawagin ka at utusang gawin ang responsibilidad mo. Nasa kolehiyo na kami at sana maintindihan mo ‘to. Oo, kailangan ko rin tingnan na iba-iba tayo ng maturing stage. Kung ako mabilis, ikaw mabagal—sabi ni Ate na siyang sabi sa kaniya ni Mommy noong nasa parehong posisyon siya tulad ng akin ngayon. Madalas nagagalit at sumasagot ka pa pabalik. Ayaw namin ng ganon. Para mo kaming binabastos e. Hindi ka naman pinalaki ni Mommy na ganiyan. Pasalamat ka dahil mahaba ang pasensya namin sa ‘yo.

Ang pinakamalalang nagawa ko sa ‘yo ay noong Hulyo. Nagsuntukan tayo. Tinadyakan kita sa tiyan. Gumanti ka at sinabunutan mo ako. Dinuruan kita sa mukha. Tinulak mo ako nang malakas at napaupo sa sahig. Inaawat tayo ni ditse nang tumakbo ka patungo sa kusina. Kinuha mo yung gunting at dinikit mo sa ‘yong pulso. Mapurol ang talim ng gunting, sabi mo, kaya matulin kang pumanhik sa kuwarto para kunin ang nakatagong gunting na mas matulis at masakit. Tumingin kami ni ditse sa isa’t isa at hinabol ka. ‘Yon siguro ang pinakamabilis na paghahabol na ginawa ko. Nakita naming marami na ang laslas sa ‘yong kaliwang kamay. Punung-puno ng dugo. Hinablot ko agad sa ‘yo ang gunting at mabuting pumiglas ka. Inutusan ko si ditse na kuhain ang betadine at gasa. Natagpuan natin ang isa’t isang umiiyak sa sahig na pawis na pawis, hingal nang hingal. Sabi ko sa sarili ko na tutuldukan ko na ang ganitong pisikal na pag-aaway natin. Sa huli, niyakap kita at sumigaw sa tainga mo: “Huwag mo nang uulitin ‘yon! ‘Wag ka nang sumunod kay tatay!”

Noong nakaalis na si Mommy sa Pilipinas, nagbago na ang lahat. Naging matamlay ang ating pag-uusap. Parang nagkaroon ng expiration date ang ating samahan. Matapos ang insidenteng ‘yon, hindi pa rin tayo nakababalik sa dati. Katulad ng kay lola, napapansin kong umaalis ka rin tuwing malapit na ako sa ‘yo. Hindi ka na rin sumasabay sa ‘kin tuwing kumakain ako mag-isa sa hapag. Huwag mo sanang masamain pero gusto ko talagang makipagbati sa ‘yo. Minsan, naiisip ko, kung naiisip mong nagiging kagaya ko na rin ba si Tatay. Minamaliit kung sino at ano ka. Ultimo hindi ka na tinuturing anak dahil naging malayo ka sa kaniyang ekspektasyon. Naiintindihan ko rin kung bakit mas pinipili mong kumiling sa tabi ni Mommy. Ang tagapagtanggol mo tuwing inaaway ka ni Tatay.

Nitong Setyembre, laking pasasalamat ko sa mga paaralang na nagbukas ng kanilang gate para sa face-to-face classes. Kahit ‘di mo direktang sinasabi sa ‘kin, pero nalalaman ko, ayon sa mga kuwento-kuwento mo kung gaano ka nage-enjoy sa bago mong hayskul. Naririnig ko ang makulay mong boses at ang tawa mong bihira kong marinig. Masaya ang buhay-estudyante sa hayskul. Paalala ko lang sa ‘yo na ingatan mo ang sarili at huwag sumama sa mga bad influence. Siguro kung maririnig mo ‘to, magagalit ka na naman sa akin. Allergic ka talaga sa boses ko. Pero wala kang magagawa, dahil ‘pag naka-graduate kami ni ditse sa kolehiyo, kami naman ang papalit sa posisyon ni Mommy. Kami na ang magpapa-aral sa ‘yo, sa ayaw at gusto mo. Husayan mo sa akademiks dahil hindi na natin kayang mag-aral sa praybeyt. Hindi na namin hiling pang makapasok ka sa top. Ngayong hinog ka pa, nakikita ko na ang ‘yong potensyonal lalo na nung sinabi mong mahilig ka pala na magluto.

Wala na akong gustong ihiling para sa ‘yo kundi kasiyahan. Maging totoo ka sa sarili at mamahalin ka rin ng mga tao sa ‘yong katapatan. Narito lang kaming lahat sa ‘yong likod. Pasensya na kung matulis ang dila ng kuya. Sana magtabi tayo ulit sa hapag.  Kung kailangan mo ng kausap o kahit ano, nariyan lang ako sa kabilang kwarto. Katok ka lang. Bubuksan ko naman palagi ang pinto.

Nagmamahal,

Kuya

The Sad Truth of Pampanga: A Christmas Experience

My siblings and I were planning to spend Christmas in Pampanga (Clark). My older sister booked a condo via Airbnb. It was called the D'H...