SA
MURANG EDAD, naranasan ko nang magpalipat-lipat ng mga tahanan.
Iba-iba
ang katwiran ng mga eksodo. Mahuhulog ang mga dahilan katulad ng paghahanap ng kompatibilidad,
makalapit sa reproduksyon, o marahil, mapalayo sa panganib. Subalit ang mga
panganib na ito ay mahahanap sa iba’t ibang hugis at pinagmulan. Simbolo ng
isang tahanan ang magkaroon ng matibay at mapayapang pundasyon para sa pamilya.
Gayunpaman, maaaring paniwalaan natin na ang tahanan ang tatayông pisikal na kanlungan at
maglalapit sa ating kaalwanan.
Sa
sanaysay na ito, susubukan kong halungkatin ang aking karanasan sa paghahanap
ng mga espasyong magsusuklob ng aming mga ulo at mga kahirapan sa pagtutuklas
ng komportableng tahanan sa lungsod, partikular sa Kamaynilaan. Dagdag pa,
pag-uugnayin ito sa mga pangunahin at nasabing teksto.
‘Sa mga labirinto
mo nabuhay’: Ang pagdilat sa hirarkiya
ng mga kabahayan sa Caloocan
Ginugol ko
ang kalahati ng aking kamusmusan mula sa mga masisikip at malilikot na
labirintong eskinita ng Libis Kabulusan. Sa sampung taon kong pagtira, napansin
kong nagiiba-iba ang mukha ng mga bahay. Kapag sinabing “iba-iba”, pagdidiin
nito ang iba-ibang estado ng mga taong nakatira. Hahatiin ko sa tatlong
balangkas ang mga iba’t ibang bahay na ito: una, ang mga naaalala; ikalawa.,
ang mga kinakalimutan, at; huli, ang mga sapat para maalala at makalimutan.
1.
Ang mga naaalala
Upang
mapuntahan ang aming bahay, kinakailangang bumaba padalisdis sa mahabang hagdan
upang matumpok ang mga kabahayan sa ibaba. Sa paglalakbay pailalim, karamihan
ng mga bahay na magaganda ay nakikita tuwing papanhik. Kalakhan ng disenyo ng mga bahay na ito
ay mayroong taglay ng pagiging Americanize. Tuwing mapapadaan ang mga
tao, tiyak na maantig sila sa ganda ng edipisyo, mababanaag na ilaw tuwing
gabi, at sa mala-mansyong hitsura ng mga ito. Malalaki ang bintana, may
balkonahe, mala-garden of Eden ang foreground, at matataas ang pader na
nilalagyan ng barbwires sa ibabaw. Ayon sa kuwento-kuwento ng mga kapitbahay,
mga abogado, negosyante, at pulitiko (mga barangay chairman at kagawad namin)
ang mga nakatira. Nakatalaga ang mga bahay na ito upang pukawin ang atensyon ng
mga tao. Simbolo ng social mobility, na nakaalpas sila mula sa hukay ng
kahirapan, kung kaya, ang pagtatayo ng mga maraming palapag ay indikasyon ng
kanilang pag-angat sa buhay.
Malapit
ang mga kabahayan na ito sa reproduksyon. Karamihan sa kanila ay naaabot ang
kalsada, paaralan, restaurants, outdoor establishments (playground, basketball
court, parke) simbahan, supermarkets, at iba pa. Sa paraang ito, nagiging accessible
para sa kanila na makamit ang mga resources.
2.
Ang
mga kinakalimutan
Kakatapos ko lang basahin ang maikling
kuwento ni Derain na “Paputian ng Laba”, at ganitong-ganito ang hitsura ng mga
kabahayan pababa ng Libis Kabulusan.
Kabaliktaran naman ang edipisyo ng mga bahay
sa baba; magkakasama ang iba’t ibang klasing hitsura, tangkad, at hugis. Kung
papasukin ang mga eskinita ng libis, kalakhan ng mga bahay dito ay malapit sa
konteksto ng squatter shanties. Ang mga residente sa mga kabahayan na
ito ay pinag-iwanan, binalewala, at kinalimutan ng gobyernong dapat magsilbi
para sa kanila (Perez, 1992). Karamihan ng mga kabahayan ay yari sa mga
pinagtagpi-tagping materyales mula sa kahoy, yero, at tarpaulin. Mula sa
ganitong lente, naipapamalas ng mga residente ang pagiging malikhain, maparaan,
at matalas mula sa ating ninuno sa paglikha ng kanilang tahanan. Subalit, ang
pagroromantisa ng kahirapan o poverty porn ay mahalagang kondenahin at ang mga
taong naghihirap ay hindi basta bagay na dapat pagsamantalahan.
Salat sa kabuhayan, karamihan sa kanila
ay nagtatayo ng mga sari-sari store upang magtinda ng mga
sari-saring pagkain at esensyals na tingi-tingi mula sa presyong mababa. Dahil
hirap sa paghahanap ng espasyo, ang mga tindahang ito ay nakakabit sa kanilang
tahanan. Kung minsan, umookupa ang espasyo ng tindahan sa lugar ng bahay na
mahalaga tulad ng silid-higaan, sála, mesa, at silid-paliguan. Kesehodang
mawala ang mga ito, ang mahalaga para sa mga residente ang kumita at magkaroon
ng pagkain sa mesa. Aanhin pa nga ang hapag-kainan kung wala namang ihahandog
na pagkain? Kung kaya, karamihan sa mga residente na ito ay namamasukan bilang factory
worker, market vendor, katulong o kasambahay (batay sa aming mga karanasan), at
iba pa.
Ang kanilang lokasyon, hindi katulad sa
mga ‘naaalala’, ay malayo sa reproduksyon. Sa aking pag-alala, mga bilyaran, piso-net,
kanal, at mga tindahang nagbebenta ng mga meryenda sa bangketa ang primaryang
mahahanap sa kanilang lugar. Sa kasamaang palad, ang mga lugar na ito ay pilit
nang binubura sa mapa. Noong 2009 ay mahigit 2,400 na informal settlers ang
apektado sa proyekto North-South Rail Linkages ng dating alkalde na si Recom
Echiverri (Botial, 2009). Kamakailan lamang ay pinagtayuan ng isang kilalang
mall ang dating espasyo ng Sangandaan palengke. Lunduyan ang palengke para sa
mga abot-kamay na bilihin tulad ng gulay, karne, isda, at bigas. Nabanggit ito
sapagkat mga manggagawa ang nakikinabang sa nasabing espasyo; ang kanilang
hanap-buhay ang nakataya at binalewala ito ng mga kapitalista sapagkat ang
sariling interes ang pangunahing nilang tutugunan.
3.
Ang
mga sapat para maalala at makalimutan
Kabilang kami rito. Magkakasama
ang mga sari-saring bahay sa kabila ng pagkakaiba ng kinatatayuan ng lahat.
Kagaya namin, nakakatikim kami ng parehong ginhawa at paghihirap. Nasa gitna,
kumbaga.
Habang
ang bahay ng mga kapitbahay ay nakatanim sa mababang patag ng lupa, ang amin
naman ay mataas. Ayon sa aking mga magulang, binalak nilang pataasin ang lupang
kinatitirikan ng bahay, upang maiwasan ang mga abirya lalo na at malay silang
bahain ang lokasyon. Mala-eskinita ang porma ng bawat daan ng lugar dahil sa
naglalakihang sementadong bahay (renovate kada buwan) at makitid at
pasikot-sikot na daan (dahil sa mga halamang pasong nakaharang). Pagtingin ito
ng pagsunod sa úso, ang
paglagay ng anumang palamuti sa foreground at pagtataas o pagpapalaki ng bahay
ay isang paraan upang kumintal sa sentido ng mga dumadaan ang ‘kariktan’ ng
tahanan sa kabila ng salungat sa kapaligiran na sumasandal dito.
Karamihan
sa erya ay mayroong kakayahang bumuhay, kahit papaano, ng isang pamilya.
Pinilit nila na maging katulad ng mga ‘naaalala’, kaya nagtayo sila ng matataas
ng pader sa bakuran at matibay na gate. Sa kasamaang palad, taong 2014 ay nilooban
kami; sa kabila ng mga seguridad na binuo upang maging ligtas ay hindi ito nangyari.
Natakot ang lahat ng miyembro lalo na ang aking ama na binantaan ang buhay
kapag ito daw ay magsusumbong sa kinauukulan. Sa kahuli-hulihan, pinapagsyahan
ng aming pamilya na lisanin ang Caloocan.
Tondo: Salaysay ng mga balakid sa kalye
at perwisyo sa apartment
Isang miskonsepsyon na pinamukha
marahil ng pop culture (maaaring kasaysayan din) na ang mga residente
ng Tondo ay mayroong dalang balisong sa kanilang mga bulsa. Ang aking Tondo,
kung saan pinagpatuloy ang aking naudlot na kabataan sa bayan ng Caloocan, ay
malayo sa naratibo ng nobela ni Andres Cristobal Cruz.
Ang paghahanap ng pagtitirhan sa Tondo
ay naging madali para sa aming pamilya. Sa boundary ng Caloocan at Maynila,
makikita na agad ang mga nagsusulputang posters at flyers para sa mga apartment-for-rent.
Wala kaming kadugo sa lugar ng Tondo kung kaya napagpasyahan naming mangupa ng apartment.
Ang apartment na aming pinagtirhan ay sapat para lamang sa mga maliliit na
pamilya. Dalawang kwarto (isang malaki = 3 tao; isang maliit = 1-2 tao), dalawang
banyo (isang panligo at isang panglabahan), dalawang kusina (dirty kitchen
& dishwashing station), at sála na isa’t kalahating dipa ang layo mula sa
hapag. Dahil studio-apartment ang istilo, ganito rin ang arkitektura ng loob ng
mga katabing-bahay. Magkakadikit ang lahat ng bahay kaya naman madaling marinig
ang konbersasyon ng mga tao sa kabila na yari ang mga pader sa bato.
Taong 2014 nang lumipat kami sa Tondo
at apartment ang naging pangalawang kanlungan. Unang impresyon, magkaiba ang
kasiglahang binibigay ng Tondo sa aming pagdating: malapit na kami sa kalsada
(sakayan ng dyip at traysikel), outdoor establishments (children’s park na
tinawag ay Patricia complex o ‘Paraiso’), groceries, paaralan, at marami pang
iba. Bagaman sa isang simple at maliit na studio-apartment kami nakatira, sa
isang punto, nakaramdam kami ng kaginhawaan.
Ngunit matapos ang unang taon, tila parang
bumagsak ako mula sa langit. Nang magsidatingan ang mga bagyo sa Pilipinas at
mga buwan-buwang patay-sindi ng kuryente sa buong Tondo—nagising ako at
nangangarap makabalik sa himpapawid.
Katulad sa Caloocan, malayo ang mga
bahay at apartment sa konsepto ng balai ni Hila, kung saan ang mga kubo ay
mayroong girder sa wood post at hagdan para makapanhik. Sa tuwing nagkakaroon
ng malubhang klima, hindi naiiwasang makita ang mga salik na ito:
1.
Tag-ulan
a.
Dahil
magkakadikit ang mga bahay, bahagyang ulan pa lang ay bumabaha na.
b.
Dahil
mababa ang lupain, mabilis tumaas ang baha sa buong barangay at madaling
nakakapasok ang tubig sa tahanan.
i.
Hindi
nililinas ang mga kanal at drainage.
ii.
Hindi
pinapataas ang inprastraktura lalo na sa mga kalsada
iii.
Hindi
pinagtutuunan ang problema hinggil sa urban planning
c.
Dahil
lumulubog na daw ang Kamaynilaan
i.
Sobrang
populated ang metropolis
2.
Tag-araw
a.
Dahil tago
ang inuupang bahay, hindi namin nababanaag ang sikat ng araw.
i.
nasa likod
at hinaharangan ito ng bahay ng aming landlord
1.
Kahit sa
likod. May siwang noon sa labahan subalit tinakpan ito ng isa bagong apartment.
2.
Wala
nakikitang liwanag bukod sa butas na sumisilip mula sa labas ng gate.
Sa Tondo ko lang din naranasan ang
malalang power interruptions ng MERALCO. Dumating sa punto na tumagal
nang mahigit labindalawang oras ang pagkawala ng kuryente sa kalahating bahagi
ng Gagalangin. Maraming residente ng Tondo ang uminit ang ulo. Mayroong
pagkakataon na nagtitiis kami sa init, dilim, at kagat ng lamok sa paghihintay
na makabalik ang kuryente, at mayroong din instansiya na kinailangan naming
mag-check-in sa isang hotel chain sa Monumento (Caloocan) upang magpalipas ng
gabi. Ayon sa kanila, normal na mangyari ang mga abirya at dapat lang tingnan
bilang maliit na bagay. Kung hindi man madaling bahain ang Tondo, asahan ang
anumang power interruptions na nag-aabang sa gilid.
Katulad ng mga interruptions sa kalye
ang mga perwisyong bumabagabag sa apartment. Pangunahing problema sa apartment
ay ang mga túbo. Magkakakonekta ang mga túbo mula sa mga tenant ng pangalawang
palapag, na siyang babagsak pababa. Ang mga túbo na ito ang nagsisilbing
perwisyo sapagkat tuwing nagkakaroon ng barado at butas, kaming mga ground
floor tenants ang nagagambala at sumasalo ng kanilang dumi (literal). Kahit ang
mga túbo sa mga lababo ay palaging may ubo.
Sa ganitong pagkakataon, madalas naming
nakakausap ang mga landlord upang ilapit ang sitwasyon. Subalit, kagaya ng mga
perwisyo sa loob at labas ng apartment, sila rin ay dumadagdag din. Sa halip na
tulungan, ipinapasan nila sa mga tenants ang problema. Pinaghahanap nila ng mga
tubero na maaaring magresolba ng problema ng kanilang bahay. Sa kahuli-hulian,
walang anumang pagbabawas sa renta.
Sampaloc:
Ang kasalukuyang pahingahan
Ang
pinag-iba ng Tondo sa Sampaloc ay ang atmospera. Bukod sa bagong lipat ulit at
wala pang nagaganap na pagpapalitan ng mga salita sa mga kapitbahay, naging kaluwagan
ito sa aming parte.
Sa kasalukuyan, apartment pa rin ang
aming tinitirhan subalit kwadruple naman ang laki at sukat nito kumpara sa mga
dating tinutuluyan. Ang Sampaloc ay sentro rin ng mga paupahan. Nakatutulong
ang nasabing lokasyon (lalo na sa mga estudyante) sapagkat malapit ito sa mga
unibersidad at kolehiyo (university belt) at sentro ng trabaho. Isa at
kalahating taon na kaming nakatira sa Sampaloc—at nagugustuhan ko siya.
Lumipat
kami ng bahay sa Sampaloc upang iwan ang mga isyung nagdadagdag ng puting
buhok. Sa ngayon, wala pa kaming nakikitang problema hinggil sa túbo, baha, kuryente at iba pa.
Subalit katulad ng Caloocan at Tondo, namamayani pa rin sa Lungsod ang problema
hinggil sa kawalan ng bahay, hirap sa paghanap ng tahanan, at pagmamalabis ng
mga distribution companies. Naniniwala ako na hindi nagtatapos sa
Sampaloc ang paghahanap ng aming pangarap na tahanan, subalit simula ito bilang
pagsisiyasat at maging kritikal sa mga espasyong makuha natin. Lungsod man o
probinsya.
Talasanggunian
Botial, J. (2009) Caloocan creates body to help
displaced railway squatters. Philstar. Nakuha sa https://www.philstar.com/metro/2009/06/21/479242/caloocan-creates-body-help-displaced-railway-squatters
Hila, M C. (1992). The Ethnic Balai: Living in
Harmony with Nature. Balai Vernacular: Images of the Filipino’s Private
Spaces, 13-91. Cultural Center of the Philippines, Manila
Perez, R. (1992) Squatter Shanties. Balai
Vernacular: Images of the Filipino’s Private Spaces, 93-159. Cultural
Center of the Philippines, Manila