Sabado, Disyembre 3, 2022

Kritisismong Pelikula

Kakatapos ko lang manood ng pelikulang Triangle of Sadness nang mapagtantuhan ko habang nilalakad ang kahabaan ng Tomas Morato na gusto kong magsulat sa pelikula. At hindi lang para sa pagsulat ng iskrip kundi ng kritisismo. Isa sa mga hinahangaan sa larangang ito ay si Bienvenido Lumbera at Richard Bolisay (marami pang iba pero sila ang nangingibabaw habang sinusulat ko ito...)

Nangunguna si Bienvenido Lumbera. Naaalala ko sa Pan Pil 103 na klase na si Bienvenido Lumbera ang nagbukas sa kamalayan ng mga estudyante na mag-aral ng panitikan sa wika nila. Kilala siya bilang kritiko, iskolar, at makata. Bakit nga ba siya ang naging "idol" ko sa kritisismong pelikula? Siguro dahil napag-ugnay ko ang naratibong tinutukoy niya hinggil sa wika. Bihira ako makabasa ng film criticism sa Tagalog. Mahirap maghanap sa online at kung meron man, mga capsule review lang sa Letterboxd, Twitter, o Facebook lang. Rebyu at hindi kritisismo. Mahalaga magsulat ng kritisismong pelikula sa Tagalog, hindi dahil Pilipino ako at kailangan ko maging makabayan, kundi para maging aksesible para sa mga Pilipino. Hindi ako galit sa mga Filipino film critics na nagsusulat sa wikang Ingles, pero ang akin, gusto ko sanang maintindihan ng malawak na madla (hindi lang ng mga petiburges o burges) ang aking mga tinatala. Para rin ito sa mga tao na mahilig magbasa sa anumang wika. Para ito sa mga may tiyagang magbasa ng aking kritisismo hinggil sa mga pelikulang aking napanood, pinapanood, at papanoorin. Para ito sa pagpapalawak ng naratibo. 

Simula ngayon, ang blog na ito ay hindi lamang napupunuan ng mga literary works kundi mga kritisismong pelikula na rin.

Hindi ako certified at professional na film critic pero gusto kong matuto. Kung gayon, sa susunod ng mga taon habang nag-aaral ako ng kolehiyo o kahit hindi, sana makapagsulat ako ng kritisismong pelikula sa Filipino.

Kailangan kong magsulat nang magsulat upang matuto.

Kailangan kong manood nang manood upang magkaroon ng sapat na karanasan sa pagsinsin ng pelikula.

Hindi ko maipapangako na lahat ng review ko ng pelikula ay nakasulat sa wikang Filipino, may iilan din na Ingles dahil mahirap para isalin ang ibang teorya, salita, at ideya sa wikang mayroon ako. Medyo nakakadismaya pero sana pagpasensyahan ninyo.

Ang lahat ng ito ay para sa pelikula. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

The Sad Truth of Pampanga: A Christmas Experience

My siblings and I were planning to spend Christmas in Pampanga (Clark). My older sister booked a condo via Airbnb. It was called the D'H...