Martes, Disyembre 6, 2022

Finding Tahanan: Isang paggalugad at pagtuklas ng mga kabahayan sa lungsod

 SA MURANG EDAD, naranasan ko nang magpalipat-lipat ng mga tahanan.

    Iba-iba ang katwiran ng mga eksodo. Mahuhulog ang mga dahilan katulad ng paghahanap ng kompatibilidad, makalapit sa reproduksyon, o marahil, mapalayo sa panganib. Subalit ang mga panganib na ito ay mahahanap sa iba’t ibang hugis at pinagmulan. Simbolo ng isang tahanan ang magkaroon ng matibay at mapayapang pundasyon para sa pamilya. Gayunpaman, maaaring paniwalaan natin na ang tahanan ang tatayông pisikal na kanlungan at maglalapit sa ating kaalwanan.

    Sa sanaysay na ito, susubukan kong halungkatin ang aking karanasan sa paghahanap ng mga espasyong magsusuklob ng aming mga ulo at mga kahirapan sa pagtutuklas ng komportableng tahanan sa lungsod, partikular sa Kamaynilaan. Dagdag pa, pag-uugnayin ito sa mga pangunahin at nasabing teksto.


‘Sa mga labirinto mo nabuhay’:  Ang pagdilat sa hirarkiya ng mga kabahayan sa Caloocan

Ginugol ko ang kalahati ng aking kamusmusan mula sa mga masisikip at malilikot na labirintong eskinita ng Libis Kabulusan. Sa sampung taon kong pagtira, napansin kong nagiiba-iba ang mukha ng mga bahay. Kapag sinabing “iba-iba”, pagdidiin nito ang iba-ibang estado ng mga taong nakatira. Hahatiin ko sa tatlong balangkas ang mga iba’t ibang bahay na ito: una, ang mga naaalala; ikalawa., ang mga kinakalimutan, at; huli, ang mga sapat para maalala at makalimutan.

1.       Ang mga naaalala

Upang mapuntahan ang aming bahay, kinakailangang bumaba padalisdis sa mahabang hagdan upang matumpok ang mga kabahayan sa ibaba. Sa paglalakbay pailalim, karamihan ng mga bahay na magaganda ay nakikita tuwing papanhik. Kalakhan ng disenyo ng mga bahay na ito ay mayroong taglay ng pagiging Americanize. Tuwing mapapadaan ang mga tao, tiyak na maantig sila sa ganda ng edipisyo, mababanaag na ilaw tuwing gabi, at sa mala-mansyong hitsura ng mga ito. Malalaki ang bintana, may balkonahe, mala-garden of Eden ang foreground, at matataas ang pader na nilalagyan ng barbwires sa ibabaw. Ayon sa kuwento-kuwento ng mga kapitbahay, mga abogado, negosyante, at pulitiko (mga barangay chairman at kagawad namin) ang mga nakatira. Nakatalaga ang mga bahay na ito upang pukawin ang atensyon ng mga tao. Simbolo ng social mobility, na nakaalpas sila mula sa hukay ng kahirapan, kung kaya, ang pagtatayo ng mga maraming palapag ay indikasyon ng kanilang pag-angat sa buhay.

Malapit ang mga kabahayan na ito sa reproduksyon. Karamihan sa kanila ay naaabot ang kalsada, paaralan, restaurants, outdoor establishments (playground, basketball court, parke) simbahan, supermarkets, at iba pa. Sa paraang ito, nagiging accessible para sa kanila na makamit ang mga resources.

2.       Ang mga kinakalimutan

      Kakatapos ko lang basahin ang maikling kuwento ni Derain na “Paputian ng Laba”, at ganitong-ganito ang hitsura ng mga kabahayan pababa ng Libis Kabulusan.

Kabaliktaran naman ang edipisyo ng mga bahay sa baba; magkakasama ang iba’t ibang klasing hitsura, tangkad, at hugis. Kung papasukin ang mga eskinita ng libis, kalakhan ng mga bahay dito ay malapit sa konteksto ng squatter shanties. Ang mga residente sa mga kabahayan na ito ay pinag-iwanan, binalewala, at kinalimutan ng gobyernong dapat magsilbi para sa kanila (Perez, 1992). Karamihan ng mga kabahayan ay yari sa mga pinagtagpi-tagping materyales mula sa kahoy, yero, at tarpaulin. Mula sa ganitong lente, naipapamalas ng mga residente ang pagiging malikhain, maparaan, at matalas mula sa ating ninuno sa paglikha ng kanilang tahanan. Subalit, ang pagroromantisa ng kahirapan o poverty porn ay mahalagang kondenahin at ang mga taong naghihirap ay hindi basta bagay na dapat pagsamantalahan.

Salat sa kabuhayan, karamihan sa kanila ay nagtatayo ng mga sari-sari store upang magtinda ng mga sari-saring pagkain at esensyals na tingi-tingi mula sa presyong mababa. Dahil hirap sa paghahanap ng espasyo, ang mga tindahang ito ay nakakabit sa kanilang tahanan. Kung minsan, umookupa ang espasyo ng tindahan sa lugar ng bahay na mahalaga tulad ng silid-higaan, sála, mesa, at silid-paliguan. Kesehodang mawala ang mga ito, ang mahalaga para sa mga residente ang kumita at magkaroon ng pagkain sa mesa. Aanhin pa nga ang hapag-kainan kung wala namang ihahandog na pagkain? Kung kaya, karamihan sa mga residente na ito ay namamasukan bilang factory worker, market vendor, katulong o kasambahay (batay sa aming mga karanasan), at iba pa.

Ang kanilang lokasyon, hindi katulad sa mga ‘naaalala’, ay malayo sa reproduksyon. Sa aking pag-alala, mga bilyaran, piso-net, kanal, at mga tindahang nagbebenta ng mga meryenda sa bangketa ang primaryang mahahanap sa kanilang lugar. Sa kasamaang palad, ang mga lugar na ito ay pilit nang binubura sa mapa. Noong 2009 ay mahigit 2,400 na informal settlers ang apektado sa proyekto North-South Rail Linkages ng dating alkalde na si Recom Echiverri (Botial, 2009). Kamakailan lamang ay pinagtayuan ng isang kilalang mall ang dating espasyo ng Sangandaan palengke. Lunduyan ang palengke para sa mga abot-kamay na bilihin tulad ng gulay, karne, isda, at bigas. Nabanggit ito sapagkat mga manggagawa ang nakikinabang sa nasabing espasyo; ang kanilang hanap-buhay ang nakataya at binalewala ito ng mga kapitalista sapagkat ang sariling interes ang pangunahing nilang tutugunan.

3.       Ang mga sapat para maalala at makalimutan

Kabilang kami rito. Magkakasama ang mga sari-saring bahay sa kabila ng pagkakaiba ng kinatatayuan ng lahat. Kagaya namin, nakakatikim kami ng parehong ginhawa at paghihirap. Nasa gitna, kumbaga.

Habang ang bahay ng mga kapitbahay ay nakatanim sa mababang patag ng lupa, ang amin naman ay mataas. Ayon sa aking mga magulang, binalak nilang pataasin ang lupang kinatitirikan ng bahay, upang maiwasan ang mga abirya lalo na at malay silang bahain ang lokasyon. Mala-eskinita ang porma ng bawat daan ng lugar dahil sa naglalakihang sementadong bahay (renovate kada buwan) at makitid at pasikot-sikot na daan (dahil sa mga halamang pasong nakaharang). Pagtingin ito ng pagsunod sa úso, ang paglagay ng anumang palamuti sa foreground at pagtataas o pagpapalaki ng bahay ay isang paraan upang kumintal sa sentido ng mga dumadaan ang ‘kariktan’ ng tahanan sa kabila ng salungat sa kapaligiran na sumasandal dito.

Karamihan sa erya ay mayroong kakayahang bumuhay, kahit papaano, ng isang pamilya. Pinilit nila na maging katulad ng mga ‘naaalala’, kaya nagtayo sila ng matataas ng pader sa bakuran at matibay na gate.  Sa kasamaang palad, taong 2014 ay nilooban kami; sa kabila ng mga seguridad na binuo upang maging ligtas ay hindi ito nangyari. Natakot ang lahat ng miyembro lalo na ang aking ama na binantaan ang buhay kapag ito daw ay magsusumbong sa kinauukulan. Sa kahuli-hulihan, pinapagsyahan ng aming pamilya na lisanin ang Caloocan.

 

Tondo: Salaysay ng mga balakid sa kalye at perwisyo sa apartment

Isang miskonsepsyon na pinamukha marahil ng pop culture (maaaring kasaysayan din) na ang mga residente ng Tondo ay mayroong dalang balisong sa kanilang mga bulsa. Ang aking Tondo, kung saan pinagpatuloy ang aking naudlot na kabataan sa bayan ng Caloocan, ay malayo sa naratibo ng nobela ni Andres Cristobal Cruz.

    Ang paghahanap ng pagtitirhan sa Tondo ay naging madali para sa aming pamilya. Sa boundary ng Caloocan at Maynila, makikita na agad ang mga nagsusulputang posters at flyers para sa mga apartment-for-rent. Wala kaming kadugo sa lugar ng Tondo kung kaya napagpasyahan naming mangupa ng apartment. Ang apartment na aming pinagtirhan ay sapat para lamang sa mga maliliit na pamilya. Dalawang kwarto (isang malaki = 3 tao; isang maliit = 1-2 tao), dalawang banyo (isang panligo at isang panglabahan), dalawang kusina (dirty kitchen & dishwashing station), at sála na isa’t kalahating dipa ang layo mula sa hapag. Dahil studio-apartment ang istilo, ganito rin ang arkitektura ng loob ng mga katabing-bahay. Magkakadikit ang lahat ng bahay kaya naman madaling marinig ang konbersasyon ng mga tao sa kabila na yari ang mga pader sa bato.

    Taong 2014 nang lumipat kami sa Tondo at apartment ang naging pangalawang kanlungan. Unang impresyon, magkaiba ang kasiglahang binibigay ng Tondo sa aming pagdating: malapit na kami sa kalsada (sakayan ng dyip at traysikel), outdoor establishments (children’s park na tinawag ay Patricia complex o ‘Paraiso’), groceries, paaralan, at marami pang iba. Bagaman sa isang simple at maliit na studio-apartment kami nakatira, sa isang punto, nakaramdam kami ng kaginhawaan.

    Ngunit matapos ang unang taon, tila parang bumagsak ako mula sa langit. Nang magsidatingan ang mga bagyo sa Pilipinas at mga buwan-buwang patay-sindi ng kuryente sa buong Tondo—nagising ako at nangangarap makabalik sa himpapawid.

    Katulad sa Caloocan, malayo ang mga bahay at apartment sa konsepto ng balai ni Hila, kung saan ang mga kubo ay mayroong girder sa wood post at hagdan para makapanhik. Sa tuwing nagkakaroon ng malubhang klima, hindi naiiwasang makita ang mga salik na ito:

1.       Tag-ulan

a.       Dahil magkakadikit ang mga bahay, bahagyang ulan pa lang ay bumabaha na.

b.      Dahil mababa ang lupain, mabilis tumaas ang baha sa buong barangay at madaling nakakapasok ang tubig sa tahanan.

                                                                           i.      Hindi nililinas ang mga kanal at drainage.

                                                                         ii.      Hindi pinapataas ang inprastraktura lalo na sa mga kalsada           

                                                                       iii.      Hindi pinagtutuunan ang problema hinggil sa urban planning

c.       Dahil lumulubog na daw ang Kamaynilaan

                                                                           i.      Sobrang populated ang metropolis

2.       Tag-araw

a.       Dahil tago ang inuupang bahay, hindi namin nababanaag ang sikat ng araw.

                                                                           i.      nasa likod at hinaharangan ito ng bahay ng aming landlord

1.       Kahit sa likod. May siwang noon sa labahan subalit tinakpan ito ng isa bagong apartment.

2.       Wala nakikitang liwanag bukod sa butas na sumisilip mula sa labas ng gate.

Sa Tondo ko lang din naranasan ang malalang power interruptions ng MERALCO. Dumating sa punto na tumagal nang mahigit labindalawang oras ang pagkawala ng kuryente sa kalahating bahagi ng Gagalangin. Maraming residente ng Tondo ang uminit ang ulo. Mayroong pagkakataon na nagtitiis kami sa init, dilim, at kagat ng lamok sa paghihintay na makabalik ang kuryente, at mayroong din instansiya na kinailangan naming mag-check-in sa isang hotel chain sa Monumento (Caloocan) upang magpalipas ng gabi. Ayon sa kanila, normal na mangyari ang mga abirya at dapat lang tingnan bilang maliit na bagay. Kung hindi man madaling bahain ang Tondo, asahan ang anumang power interruptions na nag-aabang sa gilid.

Katulad ng mga interruptions sa kalye ang mga perwisyong bumabagabag sa apartment. Pangunahing problema sa apartment ay ang mga túbo. Magkakakonekta ang mga túbo mula sa mga tenant ng pangalawang palapag, na siyang babagsak pababa. Ang mga túbo na ito ang nagsisilbing perwisyo sapagkat tuwing nagkakaroon ng barado at butas, kaming mga ground floor tenants ang nagagambala at sumasalo ng kanilang dumi (literal). Kahit ang mga túbo sa mga lababo ay palaging may ubo.  

Sa ganitong pagkakataon, madalas naming nakakausap ang mga landlord upang ilapit ang sitwasyon. Subalit, kagaya ng mga perwisyo sa loob at labas ng apartment, sila rin ay dumadagdag din. Sa halip na tulungan, ipinapasan nila sa mga tenants ang problema. Pinaghahanap nila ng mga tubero na maaaring magresolba ng problema ng kanilang bahay. Sa kahuli-hulian, walang anumang pagbabawas sa renta.

Sampaloc: Ang kasalukuyang pahingahan

Ang pinag-iba ng Tondo sa Sampaloc ay ang atmospera. Bukod sa bagong lipat ulit at wala pang nagaganap na pagpapalitan ng mga salita sa mga kapitbahay, naging kaluwagan ito sa aming parte.

    Sa kasalukuyan, apartment pa rin ang aming tinitirhan subalit kwadruple naman ang laki at sukat nito kumpara sa mga dating tinutuluyan. Ang Sampaloc ay sentro rin ng mga paupahan. Nakatutulong ang nasabing lokasyon (lalo na sa mga estudyante) sapagkat malapit ito sa mga unibersidad at kolehiyo (university belt) at sentro ng trabaho. Isa at kalahating taon na kaming nakatira sa Sampaloc—at nagugustuhan ko siya.

    Lumipat kami ng bahay sa Sampaloc upang iwan ang mga isyung nagdadagdag ng puting buhok. Sa ngayon, wala pa kaming nakikitang problema hinggil sa túbo, baha, kuryente at iba pa. Subalit katulad ng Caloocan at Tondo, namamayani pa rin sa Lungsod ang problema hinggil sa kawalan ng bahay, hirap sa paghanap ng tahanan, at pagmamalabis ng mga distribution companies. Naniniwala ako na hindi nagtatapos sa Sampaloc ang paghahanap ng aming pangarap na tahanan, subalit simula ito bilang pagsisiyasat at maging kritikal sa mga espasyong makuha natin. Lungsod man o probinsya.


Talasanggunian

Botial, J. (2009) Caloocan creates body to help displaced railway squatters. Philstar. Nakuha sa https://www.philstar.com/metro/2009/06/21/479242/caloocan-creates-body-help-displaced-railway-squatters

Hila, M C. (1992). The Ethnic Balai: Living in Harmony with Nature. Balai Vernacular: Images of the Filipino’s Private Spaces, 13-91. Cultural Center of the Philippines, Manila

Perez, R. (1992) Squatter Shanties. Balai Vernacular: Images of the Filipino’s Private Spaces, 93-159. Cultural Center of the Philippines, Manila


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

The Sad Truth of Pampanga: A Christmas Experience

My siblings and I were planning to spend Christmas in Pampanga (Clark). My older sister booked a condo via Airbnb. It was called the D'H...